Sa ika-40 taon ng deklarasyon ng Martial Law: Pinagtagpo-tagpo tayo ng kasaysayan at pakikibaka

Pinagtagpo-tagpo tayo ng kasaysayan at pakikibaka
Para sa mga kababaihan lumaban noong Batas Militar hanggang sa sumunod na henerasyon
Tinay Palabay

Mahaba ang pinagtagni-tagni nating gunita.

Mga kwerdas ng mga luha
sa kusina ng ating tanikala
Sa mga hacienda ng pang-angkin,
pang-aalipin at pang-aalipusta
Mga gapos ng dasal at pangaral
sa dambana ng huwad na Bathala,
Sa mga bilbord na pinaparada
ang ating laman at kaluluwa,
Sa mga pagawaang nananalanta
sa ating dunong at paggawa,
Sa bawat pagsampa ng agilang
sumusukob sa ating paglaya,
Sa mga gubat at kalupaang
entablado ng rumaragasang digma.

Oo, ito rin ang mga batid na alaala
ng mga babaylan,
ng mga kababaihan ng Malolos,
nila Victoria Laktaw at mga babaeng mandirigma,
ng hukbo nila Gabriela, Gregoria at Tandang Sora.

Ang gunita at pakikibaka
ang nagluwal sa mga bagong Filipina.*

Kaya hindi nakapagtataka,
na kahit inihasik ni Marcos
ang kanyang mabangis ngunit duwag na digma,
hindi nabura ang gunita,
hindi nagmaliw ang alaala,
pumailanlang ang mga kataga ng pakikibaka:
Women hold up half the sky!
A woman’s place is in the struggle!
Makibaka, huwag matakot!

Lorena Barros
UP Diliman, BA Anthropology
Tagapagtatag ng Makibaka
Naging kumander ng mga NPA sa Quezon.

Jennifer Carino,
UP Baguio, BS Physics
Kadre ng NPA sa Cordillera.

Liliosa Hilao
Pamantasan ng Lungsod ng Maynila, BA Journalism
Unang babaeng detenido sa ilalim ng Martial Law
Pinatay ng PC ni Marcos sa Camp Crame.

Liza Balando
Organisador, union ng mga manggagawa sa Rossini’s Knitwear Factory
Kasamang pinatay noong May Day Massacre ng 1971.

Maita Gomez
Kilalang “Ka Dolor” ng NPA
Nag-organisa ng mga magsasaka sa Quezon at Nueva Ecija
Tagapagtatag ng Women for the Ouster of Marcos and Boycott (WOMB).

Luisa Posa
Tagapagtatag, Cultural Association of the University of San Agustin-Iloilo at Makibaka-Iloilo
Detenidong pulitikal, apat na beses nakatakas mula sa piitan
Tagapangulo, SELDA-Panay

Nelia Sancho
Naging bahagi ng underground movement noong Batas Militar
Detenidong pulitikal, 1973-76
Tagapagtatag ng Gabriela.

Sr. Mary John Mananzan
Lumahok sa La Tondena strike, 1975, unang strike noong Batas MIlitar
Tagapagtatag at naging pangulo ng Gabriela.

Mula sa kanila,
at sanlaksa pang kababaihan,
nagpatuloy ang laban.

Brenda Sison
BA Journalism, PUP
Miyembro ng Anakbayan
Sumapi sa NPA

Myra “Mayang” Algarme
Concerned Students for Justice and Peace
BS Applied Physics, UP Diliman
Sumapi sa NPA

Carmen “Nanay Mameng” Deunida
Maralitang taga-lungsod mula sa Malate, Manila
Tagapangulo, Kalipunan ng Damayang Mahihirap.

Liezelda Cunado
Magsasaka sa Bohol
Miyembro ng Gabriela.

Kemberly Jul Luna
BA English, Mindanao State University Iligan
Tagapangulo, STAND-IIT MSU
Sumapi sa NPA.

Sr. Stella Matutina, OSB
Pangkalahatang kalihim, Panalipdan!
Misyonaryo sa socio-pastoral communities ng Benedictine sisters.

Mula sa kanila,
at sanlaksa pang kababaihan,

Hinahabi natin ang kasalukuyang pakikibaka
Sa mga kwerdas ng mga luha
sa kusina ng ating tanikala
Sa mga hacienda ng pang-angkin,
pang-aalipin at pag-aalipusta
Sa mga gapos ng dasal at pangaral
sa dambana ng huwad na Bathala,
Sa mga bilbord na pinaparada
ang ating laman at kaluluwa,
Sa mga pagawaang nananalanta
sa ating dunong at paggawa,
Sa bawat pagsampa ng agilang
sumusukob sa ating paglaya,
Sa mga gubat at kalupaang
entablado ng ating kasalukuyang digma.

Malinaw ang pinagtagni-tagni nating paglaban at paglaya.

*Ayon kay Ma. Lorena Barros, the new woman, the new Filipina, is first and foremost a militant…The new Filipina is one who can stay whole days and nights with striking workers, learning from them the social realities which her bourgeois education has kept from her….. She is a woman who has discovered the exalting realm of responsibility, a woman fully engaged in the making of history…No longer is she a woman- for- marriage, but more and more a woman-for-action. (Ma. Lorena Barros, “Liberated Women II” in Pugad Lawin, Taon 18 Blg 3, Enero-Pebrero 1971: 32)

Isang memorabilia exhibit ng mga bagay na may kinalaman sa panahon ng Batas Militar na pagmamay-ari ng isang dating aktibista noong Martial Law, isang personalidad o icon, o replika ng naturang gamit. Kaakibat ng bawat piyesa ay artikulo/sanaysay o likhang sining tungkol sa memorabilia item o sa taong itinatampok na gawa ng ang isang bagong henerasyong aktibista o kabataan. Magbubukas ang exhibit sa ika-14 ng Setyembre, 2012 (Biyernes) ng alas-4:00 ng hapon sa Basement lobby ng UP Diliman Main Library. Iniimbitahan po ang lahat na dumalo at gunitain ang protesta at himagsik noong Martial Law at muling sariwain ang mga buhay at sakripisyo, mga aral, kabiguan at tagumpay ng kilusan ng mamamayan na humubog sa kasaysayan ng bansa. TULOY ANG LABAN! NEVER AGAIN TO MARTIAL LAW! Hanggang Setyembre 21 ang exhibit.